Tags

,

Bahay at lupalupa’t bahay,
‘yan ang uunahin ko
kung sakaling ako’y manalo
sa aking mga itinayang numero.

Matagal na akong sawa mangupahan,
kumayod at magbayad buwan-buwan
para magkaroon lang ng pansamantalang masisilungan,
para magkaroon lang ng isang pansamantalang tirahan.

Syempre isusunod ko riyan ang kasangkapan.
Di naman maganda ang bahay na walang laman.
Mahirap yata ang walang hustong mauupuan,
‘di rin masarap ang walang malambot na higaan.

Kasunod naman niyan ang negosyo,
kung anong klase ay ‘di ko pa matanto.
Dapat itong pag-isipan ng husto
at hindi basta kung ano lang ang gusto.

Pagkatapos niyan ay sasakyan naman,
para mas madaling makarating sa kung saan saan.
Mas maigi na yun kung gagastos lang din naman,
hindi pa ako mahihirapan kung magkawelga man.

‘Yang mga yan para sa akin ang pinakamahalaga,
ibabangko ko na ang perang matitira.
Teka, nasa’n na yung ticket ko nga pala?
Dagdag pa riyan, kailan nga pala ang bola?

Basta, bahay at lupa sa Quezon City, yan ang uunahin ko.
Oo, dito pa rin sa QC na lungsod na pinagsilangan ko.