Si Kumpareng Filimon

Tags

, , ,

Ang kumpare kong si Filimon
sa dagat tatlong taon
nangarap at nagsikap
makaipon.

Tumawag kanina lang
sabi’y ako’y daraanan
at kami’y may pupuntahan
kasama ang buong barkadahan.

Tatlong taon din kaming ‘di nagkita,
‘di nag-usap maliban sa minsanang pagkumusta.
Ano na kayang kanyang hitsura?
Nagbago kaya ang ugali niya?

Dito kami madalas dati
sa aking bahay sa Quezon City,
tagayan tuwing byernes ng gabi
at umaga na bago magsi-uwi.

Masayang alalahanin ang noon,
noong may buhok pa si Jojo sa bandang noo.
Ibang-iba na kami ngayon,
salat na kami halos sa panahon.

Magkikita nanaman kami
sana’y hindi pa ito huli,
aalis daw si Filimong muli
sa Lunes na darating.

Nagulat naman ako sa tunog ng timbre…
Ayan na si Filimon!

Ang Awit ng Lungsod Quezon

Tags

, ,

Sa tinagal ng paninirahan ko sa lungsod na ito
ngayon ko lang nalaman na siya pala’y may sariling himno.
“Quezon City Hymn” and sinasabing pamagat nito,
at ganito ang takbo ng kanyang mga liriko…

Lungsod Quezon naming mahal
Araw mo ay saganang tunay
Sa amin ang alab mo’y buhay
Sa’yo buong sigla kami’y nagpupugay

Dito’y ilaw ang diwa mo
Hiyas ka ng bayang sinisinta
Dito’y nupling mithiing banal
Sa’yo ang pag-ibig namin at dangal

Lungsod Quezon naming mahal
Araw mo ay saganang tunay
Sa amin ang alab mo’y buhay
Sa’yo buong sigla kami’y nagpupugay

Lungsod Quezon, aming mahal
Pugad ka ng laya’t kagitingan
Dito’y nupling mithiing banal
Sa’yo ang pagibig namin at dangal
Sayo’y ang pagibig namin at buhay

Sa pagnanais kong matutunan,
sa kagustuhan kong mapakinggan,
aking hinanap ang himig ng kanta
na akin nama’y natagpuan.

Paulit-ulit ko itong pinatugtog
at paulit-ulit umalingawngaw ang tunog
sa mga dingding pumapatalbog
dito sa aking bahay sa kyusing lungsod.

Subalit di ko mailapat ng maigi
ang mga salita sa nanginginig na himig.

Ang Mga Tagapaghiganti

Tags

,

Sa wakas at napanood ko na rin
ang pelikulang ikinatuwa ng marami.
Maganda nga’t kapansin-pansin
ang kanilang husay at galing.

Ang mga tagapaghiganti…

ang sundalong napag-iwanan ng paanahon,
ang taong bakal na ‘di napipikon,
ang luntiang higanteng puno ng galit,
ang diyos ng kidlat na bumaba sa langit,
ang mamamanang mahusay tumantya,
at ang gagambang ubod ng ganda.

Kung magkataon ay papanoorin kong muli
pero dito nalang sa aking bahay sa QC
at bibili nalang ako ng DVD
yung legal para laban piracy.

Si Petra at ang mga Maligno

Tags

, , , ,

Aking nabalitaan, nung Hwebes lang,
na si Dick ay may kinasasangkutang kababalaghan.
Sa totoo lang ay nahihirapan akong paniwalaan
ang balitang aking nasumpungan.

Ako’y isang tagahanga ni Petra
magmula noong ang Dick and Carmi’y nasa ere pa,
pinanuod ko ang halos lahat ng kanyang pelikula
ang huli ay ang Zombadings na pumatok din sa takilya.

Mukha namang matwid itong si Roda,
kaya’t hindi matanggap ng aking sikmura
na siya daw ay namamahala
ng mga tauhang gawa-gawa.

Hanggang sa mapatunayang gayon nga,
ako’y mananatiling isang tagahanga,
abangan nalang natin ang susunod na kabanata,
sa ngayon ako’y magmemeryenda muna.

Mainit na maruya’t malamig na Coca-Cola
tanaw kong tinda sa baba ni Aling Marta.
Aba! May palitaw pa pala!
Ang sarap niyan! Iiwan na muna kita.

Di nga pala ako pumasok sa trabaho,
dahil ako’y may mahalagang inasikaso,
kaninang umaga, diyan sa Monumento,
at kadarating ko lang kaninang alas-dos-singko

Dito sa aking bahay sa Quezon City.

Balik-tanaw

Tags

, ,

Natapos din ang unang araw ng Linggo,
maghapong nakipagpulong kung kani-kanino.
Sa gitna ng balitaktakan at mga kuro-kuro,
naglililipad ang diwa ko.

Ramdam ang hapdi sa balat na dulot ng araw,
hindi ko naiwasang magbalik-tanaw
sa aking bakasyon kahapon
at noong isang araw.

Mainit man ang panahon ay naligayahan din
sa pansamantalang kalayaan at ganda ng tanawin,
sa sariwang katas ng prutas at masasarap na pagkain,
at sa pagkakaroon ng pagkakataon na walang kailangang isipin.

Ngayong nakabalik na ako rito sa aking bahay sa Quezon City,
tila ramdam ko pa rin ang banayad na haplos ng hangin.
Bukod pa riyan, ako’y nagugutom na rin,
alas-ocho na’t, kailangan nang makakain.

Balik Trabaho

Tags

, , , ,

Di nagtugma ang mga numero.
Sa madaling sabi, di ako nanalo.
Pero masaya naman ang bakasyon ko,
yun nga lang, bukas, balik trabaho.

Siguro nga ito lang ang natatanging paraan,
ang magtrabaho ng puspusan,
para makaipon para sa kinabukasan
at mabago ang kapalaran.

Makabili lang ng lupa’t bahay, ayos na ako
kung yumaman pa’y… talagang panalo!
Yun lang naman talaga ang hangarin ko,
ang makabili ng bahay sa QC sa tatawagin kong aking totoo.

Tama na muna ito’t makapagpahinga na.
Kailangan kong makapagtrabaho ng buong sigla bukas.

Simula na ba ng tag-ulan?

Tags

, ,

Ilang araw nang nag-uuulan…
Tag-init, ito na ba ang iyong katapusan?
Tuluyan ka na bang magpapaalam?
Hintayin mo muna sanang makalasap ako ng sand, sea, and sun.

Nahihirapan man ako
sa matinding init na dala mo
mas kanais-nais kang kasama, sa tingin ko,
bukas sa paparoonan ko.

Nakahanda na ang maleta
at ang diwa ko’y nauna na.
Pakisamahan mo ako sana
at manatili ka muna.

Ang ayaw ko lang naman sa iyo
ay ang alinsangang dala mo
at ang lagkit na dulot nito.
Bumubula na ang kilikili ko.

Pero ayos lang, bale wala na sa akin yon,
basta’t gawin mong masaya ang aking bakasyon.
Ilang oras nalang mula ngayon!
Paalam muna, Lungsod Quezon.

Nga pala, di ko pa natitingnan ang resulta ng bola nung Myerkules…
makakabili na kaya ako ng inaasam kong bagong bahay sa Quezon City?

Bahay at Lupa ang Uunahin Ko

Tags

,

Bahay at lupalupa’t bahay,
‘yan ang uunahin ko
kung sakaling ako’y manalo
sa aking mga itinayang numero.

Matagal na akong sawa mangupahan,
kumayod at magbayad buwan-buwan
para magkaroon lang ng pansamantalang masisilungan,
para magkaroon lang ng isang pansamantalang tirahan.

Syempre isusunod ko riyan ang kasangkapan.
Di naman maganda ang bahay na walang laman.
Mahirap yata ang walang hustong mauupuan,
‘di rin masarap ang walang malambot na higaan.

Kasunod naman niyan ang negosyo,
kung anong klase ay ‘di ko pa matanto.
Dapat itong pag-isipan ng husto
at hindi basta kung ano lang ang gusto.

Pagkatapos niyan ay sasakyan naman,
para mas madaling makarating sa kung saan saan.
Mas maigi na yun kung gagastos lang din naman,
hindi pa ako mahihirapan kung magkawelga man.

‘Yang mga yan para sa akin ang pinakamahalaga,
ibabangko ko na ang perang matitira.
Teka, nasa’n na yung ticket ko nga pala?
Dagdag pa riyan, kailan nga pala ang bola?

Basta, bahay at lupa sa Quezon City, yan ang uunahin ko.
Oo, dito pa rin sa QC na lungsod na pinagsilangan ko.

Hindi Ako Sikat

Tags

, , ,

Hindi ako sikat, katulad din ng marami sa inyo.

Kung sikat ka man, sa kahit na anumang larangan,
nais kong iyong malaman na isang malaking karangalan
ang iyong pagtunton dito kahit saglit man lang.
Sana’y mag-iwan kayo ng pagkakakilanlan.

Kung ikaw nama’y hindi sikat na tulad ko
salamat din sa iyo’t ako ngayo’y dinirinig mo.
Nawa’y pagpalarin ka’t mapasa-iyo
lahat ng magagandang ninanais mo.

Ako ma’y maraming inaasam, pinapangarap.
At di naman siguro ako nagkulang sa pagsisikap.
Ngunit hindi ko pa rin nararamdaman at nalalanghap
ang simoy ng tagumpay na matagal ko nang hanap.

Kaya heto ako’t patuloy sa pagkayod
pilit na hindi pinapansin ang pagkapagod
sa pag-asang bukas o sa araw na susunod
ay magiginhawahan din akong lubus-lubos.

Magkano na bang jackpot ngayon sa Grand Lotto?
Aha! Mahigit isang daan at dalawampu’t pitong milyong piso!
Buti nalang at may beynte pesos pa ‘ko dito.
At buti nalang may tayaang malapit sa tahanan naming ito.

Dito sa aming bahay sa QC.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.